Thursday, October 2, 2008

Mga Gabay sa Pagpili ng Kurso

Marami sa atin ang nahihirapan sa pipiliin nating kurso sa kolehiyo. Maraming bagay ang ating isinasaalang-alang o binibigyang katuturan at kahulugan kaya tayo hindi makapamili nang maayos. Mayroon din namang ilang mga gabay na lubusang makakatulong sa atin sa pagpili ng kurso.

Una na sa mga dahilan ang pera. Ang pera kadalasan ang pinakaimportanteng bagay na ating isinasaalang-alang sa pagpili ng kurso. Hindi natin makuha ang ating gustong kurso dahil hindi ito kayang bayaran ng ating mga magulang dahil na rin sa kagipitan ng buhay ngayon. Mas uunahin na muna ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit, bayad sa bahay at kuryente bago ang pag-aaral. Ito na rin marahil ang dahilan kung bakit maraming kabataan ngayon ang hindi nakakapag-aral.

Pangalawang dahilan ay ang ating mga magulang. Hindi nagkakapareho ang ating gustong kurso sa gusto ng ating mga magulang. Nalilito tuloy tayo kung susundin ba natin ang ating gusto o susundin natin ang ating mga magulang.

Hindi pa naman huli ang lahat. Mayroon pa namang mga paraan upang makapamili tayo nang maayos. Heto ang ilang mga gabay sa pagpili ng kurso. Una, kung di natin talaga kaya ang mahal na kurso, meron pa namang magagandang kurso na mura lang ang kailangang bayaran tulad ng Information Technology. Mura na, in-demand pa. Pangalawa, subukang pumasok sa scholarship na meron ang paaralan. Kung susuwertihin, baka makalibre ka pa kung makapasa ka sa pagsusulit. Pangatlo, mag-usap kayo ng iyong magulang kung ano ba talaga ang makakabuti sa iyong kurso. At huli, pumili ng kursong kaya mong intindihin ng mabuti o hindi ka mahihirapan.

Ilan lang yan sa mga gabay sa pagpili ng mabuting kurso. Ang kolehiyo na ang huling yugto ng ating pag-aaral. Pagkatapos nito ay magtatrabaho na tayo. Lagi lang nating tandaan na kailangan nating mag-aral nang mabuti para sa ating magandang kinabukasan. Sabi nga ni Rizal, "Ang kabataan ang pag-asa ng aitng bayan".

1 comment:

Salientwebs said...

" Cool post." -ma'am anne